Wikang Filipino, tuluyan na nga bang nawawala? Iyan ang kaisipan na tila nangangailangan ng kasagutan. Kung totoo nga ang nasabing pangungusap, tila nawawala na rin ang pagtangkilik ng mga tao sa wikang ito. “Social Media, balakid sa pagtangkilik ng sariling wika” ang mungkahing titulo o pangalan ng gawain na napili ng mga gumawa ng konseptong papel na ito. Ang nasabing pamagat ay pinaniniwalaang nakakahikayat at nakakaantig ng interes ng mga mambabasa. Bukod dito, kasalukuyang usapin at tinatawag na “trend” ang mga bagay na may kaugnayan sa social media kaya naman mas maipararating ang adbokasiyang nais maipamahagi sa mga mambabasa. Mabibigyang tuon din ng paksang ito ang negatibong epekto na dulot ng social media sa ating sariling wika at ng sa gayon ay mapukaw ang mga Pilipino na hindi kaaya-aya ang maging banyaga sa sariling bansa. Makatutulong ang konseptong papel na maipahatid na sa pangangalaga at pagprereserba ng Wikang Filipino, maproprotektahan ang isa sa mga pagkakakilanlan sa atin at sa gayon na din ay mapangalagaan ang mga tradisyon at kulturang ipinundar ng ating mga ninuno.