“We speak in English. Filipino is too hard for us.”
Artikulo ni: fernandezjrp (The Manila Times)
Unang araw ng Buwan ng Wika at may dalawang bagay na bumungad sa akin. Una, nalaman kong ang ‘libog’ sa Bisaya ay ‘pagkalito’; pangalawa, nabasa ko ang napakamakabuluhang editorial ng isa sa mga pinakamalaking pahayagan sa Pilipinas.
Minamaliit ng artikulo ang kakayahan ng Filipino intelligentsia, akademya, ng mga expats, at ng PR practitioners ng bansa pagdating sa pag-intindi ng sariling wika. Kasabay nito ay pahapyaw ng kanilang mababang pagtingin sa mga gumagamit ng Filipino. Bagkus na purihin ang ginagawa ng Malakanyang na pagpapababaw ng mga salita para sa madaling pag-intindi ng madla ay binabansagan nila itong pagbibida. Ika nga ni Kris Aquino: nakakaloka.
Para sa isang bansang may mahinang demokrasya, ang media ang nagiging muog ng dunong at opinyon. Ang media ay may tungkuling ipaabot ang impormasyon at karunungan sa mamamayan hindi lamang sa paraan na gusto nila, bagkus ay sa paraan na madaling maiintindihan ng tao. Ito din ang makapangyarihang kasangkapang sisira sa bakod na naghihiwalay sa mga Pilipino; isang mahalagang salik ng pagsira ng bakod ay ang wika – mapa-English o Filipino – at ang matalinong paggamit nito.
Sa Pilipinas, ang Tagalog ang naging saligan ng wikang “Filipino,” ngunit kahit ang mga mismong pantas ay iba-iba ang pananaw patungkol sa wika. Ang taguring “Filipino” ay sagisag ng pagkakaisa ng wika at gawi, ngunit hindi natin maaalis ang katotohanan na tayo ay nahahati ng mga wika at gawi ng kani-kaniyang lahi. Katatawanan sa maraming Tagalog ang matigas na punto ng ibang mga lahi at ang Tagalog ang nagiging batayan ng galing sa Filipino. Halimbawa na lang, ang ganap sa radio at tv ni ‘inday’ at ni ‘manang’ ay katulong o yaya. Kaya naman ginagalingan na lang sa English ng ibang mga non-Tagalog – dahil sa pangkalahatan, ang English ang wika ng maalam, ang wika ng makapangyarihan, ang wika ng daigdig. Imbis tuloy na lumakas ang Filipino sa pamamagitan ng paghango mula sa iba pang katutubong wika, lumalakas ang English at nanunuot sa ating sistema.
KINABUKASAN NG WIKANG FILIPINO
Ang batayan ng pagtuturo ng English ay nakabatay din naman sa mga wikang Pilipino. Ang mga asignatura sa eskwela ay itinuturo gamit ang aklat na English at gurong gumagamit ng halong English at wikang lokal. Ang kinabukasan ng Wikang Filipino ay mabigat na naka-atas sa sector ng edukasyon at sa media.
May pag-asa ang Filipino kung pag-uukulan ng media ang paggamit ng Filipino bilang wika ng industriya at edukasyon. Kung gagamitin ang Filipino sa mas matatalinong programa at diskusyon, sa usapan ng ekonomiya, ng public relations, ng “lifestyle”, at ng iba pang tema, hindi naman ito lalayuan ng intelligentsia market. Mas maiintindihan lamang ito ni ‘Aling Tasing’. Sana ay dumating ang panahon na walang Pilipinong nasa Pilipinas ang magsasabi na hirap silang mag-Filipino. Hindi lang nakakahiya; nakakaasar at nakalibog (nakakalito) din.
Sa maraming panukoy ng pagka-Pilipino, wika ang nangingibabaw sa lahat.
Ayon sa isang pananaliksik:
"Ang wikang bunga ng eksposyur sa midya, paimbabaw at walang malinaw na gramatika (kung meron man contingent ito at nakabatay sa talastasang publiko), ang wikang “maiintelektuwalisa ayon kay Bonifacio Sibayan” (sipi mula kay Sison-Buban 2006)"
Ayon sa definitelyfilipino.com:
Sa social media, panay din ang paggamit natin ng salitang ingles upang magmukhang may pinag-aralan tayo, yun nga lang minsan sumasablay. Mali ang spelling, pati ang pagkakabuo ng mga pangungusap eh mali. Tunay naman na ang mga Pilipino ay isa sa mga bihasa pag dating sa paggamit ng wikang ito, pero sana ating tandaan ang sinabi ng ating pambansang bayani na ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay daig pa ang malansang isda. Paumanhin na rin po kung ang inyong lingkod ay hindi maiwasang gumamit din ng wikang ingles sa mga akda, sadyang may ilang mga terminolohiyang mahirap isalin sa ating sariling wika.